read the printed word!

Wednesday, June 8, 2011

REVELATOR ELEVATOR



[o]

Isang hindi payat na babae ang kasabay kong pumasok sa entrada ng gusaling aking pinapasukan. Siya ay hangos na hangos na animo'y talagang nagmamadali. Sumimangot pa sa sekyu nang pakiusapn siyang buksan ang dala-dala niyang bag na may baliktarang letrang C ang logo. Sabay satsat, "Tsk!"

Tagaktak ang pawis na maya't maya niyang pinupunasan ng panyolito, kasabay ko rin siyang naghintay sa isa sa pinakaimportante at walang kupas na imbensyon ng ikalabingsiyam na siglo... The Elevatorrrrr.

Panay ang tingin ng kasabay kong babae sa kanyang relos. At sa kada taas ng kaliwa niyang braso upang tingnan ang oras may tumutunog na "Tsk!". Halatang late na ang naturang paksa ng talatang ito. Makailang beses pa siyang tumingin sa relos niya na nung nagtagal ay para nang ritmo ng relos ang kada "Tsk!" niya.

Muntik ko na siyang tanungin, "Miss, isa ka bang butiki?".

Buti nakapagpigil ako kung hindi ay baka natamasa ko na ang bagsik ng mamahaling bag sa aking mukha. "At least Chanel", isip-isip ko na napapangiti.

Kapag medyo minamalas-malas lang tong si Ate, nagkataon na alas-nueve rin ang labasan ng mga nagtatrabaho sa mga call center na meron sa ikalima hanggang sa may ikalabing dalawang palapag ng building. Naturalmente pa, sobrang tagal ng pagbaba ng elevator.

Di ko rin alam kung bakit ganoon. Sa tuwina na lang na out-of-the-office at uwian na itong mga empleyado sa nasabing mga kumpanya, kailangang huminto ng elevator sa kada palapag.

Me pagkakataon pa na huminto ang elevator sa isang palapag pero walang sumakay nung makitang me lamang tatlong tao sa loob. Ayaw pa ng may sakay na iba? malaking abala sa buhay ng iba ang mga damuho.

Lesson that they should learn: Ang taxi po ay pahalang ang takbo at hindi akyat-manaog sa buildings.

Balik tayo kay Ate. Eto nga at inip na inip na siya. At sa wakas nagsalita rin siya nang salitang tao bagaman at may lizard slang pa rin sa hulihan. Gigil na gigil na si Ate.

(basahin mo ito na nanggigigil at malalaman mo ang itsura niya)

"Uhhhhhh ano baaaahhhh? Ang tagal namaaannnnn!!!" sabay "Tsk!"

May papikit-pikit pa ng mata. Naging kapansin-pansin na rin sa ibang naghihintay ang pagiging kakaiba ng pasensya ni Ate. Lahat nakatungo pero kita mong madalas pumapasyal ang mga mata sa nagdadabog na paa ni ate. Hindi ko alam kung kagaya ko silang mga tsismoso rin o nag-iingat lang sila at baka maapakan ng parang sibat na takong na suot nito.

At sa wakas matapos ang siguro ay may limang minuto naming paghihintay... "DING!"

Bumukas ang tarangkahan ng elevator na magdadala sa amin palapit sa langit. Maingay. Mukhang mga bagong gradweyt ang mga sakay. Inglisan nang inglisan.

Si Ate di na talaga makahintay, nagsimulang umabante. HARANG!!!

Wala siyang nagawa umurong ng konti. At pilang parang langgam na lumabas ang mga batang isip na ang akala sa elevator ay playground. Siksikan na nga nagtutulakan pa.

May isa pang palabas pero sugod na si Ate pagpasok at pumindot ng numero. Sumunod na rin lahat pagkatapos niya. Ako pinindot ko ang 13. Oo, sa malas na floor ako kumukuha ng suwerte.


Tsismosong mga mouse...


Sumarado ang pinto. Pero wala pang 3 segundo may tumunog na "DING!!!". Nakulili ang tenga ko.

"2nd floor pa lang ah...", sabi ng isip ko. Nagsalubong kilay at tiningnan ang mga kasabay.

Nak nang putahe! Si Ate!!!

Nagmarakulyo ang utak ko. Second Floor lang pala kung makagawa ng scandal sa baba!!! Sampung baitang lang meron ang hagdan manang!!!

May bumulong na kasabay sa elevator, "Kaya ka tumataba... Tamad!"

Haaaaay piece of mind...

[o]

5 comments:

bulakbolero.sg said...

minsan ganyan ang tao, nagrereklamo tayo sa mga simpleng bagay mayroon namang simpleng solusyon.

minsan daw, kaya tayo nadadapa ay dahil na din sa ating kapabayaan.

makata ang iyong pagkakagawa dito. hehe. panalo.

kenv said...

malaki ang problema nito ni ate. ako, mas trip ko ang mag hagdan kaysa mag elevator lalo na kung late na ako. ganda ng pagkakalahad mo :)

Gone to the John said...

@ bulakbulero
- tomoh... parang ako lang din minsan hehe
- ako rin nattripan ko pag-akyat sa hagdan, training sa pag-akyat-akyat sa kung saan saan

salamat sa pagbisita mga ginoo!!! :D mabuhay kayo!!

Whang said...

tsk! si ate talaga... (umiiling)
kaya na-late dahil nag-elevator ^^

Gone to the John said...

ay sinabi mo pa Whang! kuuuuu... heheh nkkatawa na lang isipin :D

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...