read the printed word!

Sunday, June 5, 2011

May SLR Ka Nga, Umuulan Naman

[o]

Taas ang kamay ng Guilty!!!

Malayo-layong lakaran ang nakaumang sa amin nang araw ng Sabado. Nilinis ang mga lente at pati ang body. Sinigurong nakahanda ang tripod. Napagpasyahan na ang dadalahin ay isang 70 - 300mm na zoom lens pang-ispat ng malalayo at mga hubo (FYI may mga katutubo sa pupuntahan kaya hubo, wag bosero ang isip) at ang makamandag na kit lens, the everlasting 18 - 55mm. At sa wakas magagamit ko na rin ang bagong biling generic na filter para maging mas ma-asul ang langit.

kaya lang, Nyemas! Hindi nakisama si mother of all mothers!

Makulimlim na kalangitan ang sumalubong sa amin. Nagkasya na lang na kuhaan ang naglalakihang 4x4 na sunod-sunod na na pumainlanlang sa hangin ang ingay ng mga makina.

May mga nadaanan kaming katutubong Aeta naglalakad mula sa hindi namin alam. Bigla na lang silang sumusulpot.

"San kaya sila nanggagaling?" tanong ng isang kalbong noon ko lang nakilala. Wala namang kabahayan sa lugar kaya kahit ako eh napaisip. Buti na lang me nagpaliwanag, sa ministop raw. Natawa kami lahat dito.

Walanghiya, ano nga kaya at me makita kaming Ministop sa gitna nang dating daluyan ng nag-aalimpuyong lahar? (Malamang alam nyo na kung saan ang aming destinasyon?)

Gaya nang aking nakagawian sa tuwinang napapapunta ako sa malalayong lugar at nakakita ng mga lokal na katutubong pinoy man o hindi, kinawayan ko ang mga Aeta sa aktong pang Ms Universe. At gaya rin ng inaasahan, kumaway rin sila na puno ng ngiti sa mga mata. Ganyan lahat ng mga tao sa napupuntahan kong lugar Pilipinas. Sarap talaga ng ngiti ng kapwa Pilipino.

Sayang di ko sila napiktyuran. Mabilis ang takbo ng sasakyan sa rough road na daan. Malaking ilog ba naman na galing sa bulkan. Hirap magfocus ang autofocus. Ilang beses ding nabunggo ang aking siko sa kanto ng nakahugpong na bakal.

Aaaahhhhhhhrgggggg!!! Walang kwenta.

At maya-maya pa, may tumama sa bandang kanang braso ko. Isa pa, isa pa, isa pa! pati sa mukha! Ratatatatatat! Ambus!

"Dapa!!!!", ang sigaw ng kasamahan ko na may dala ring baril (SLR baliw! di ako marahas!).

"Nakupo nayari na!"

Dakli kong inabot ang camera sa aking asawa na siyang malapit sa aking bag. Walang asul na langit na maasahan. Baka masira pa ang dalang kagamitan. Not worth risking lives. Walang pambili ng bagong SLR. Di pa bayad. Kasalukuyang pinatutubuan pa ni CiudadBanco.

Ganito ang panahon habang patuloy naming tinahak ang aming destinasyon. Hindi pa rin tumila ang ulan kahit sa trek portion na nang paglalakbay. Uulan, hihina nang ga-ambon. Hindi pa rin namin mailabas si butihing SLR.

Ang bigat ng damuhong gadyet, di naman magamit.

Sa kanan at kaliwa namin, nang-iinggit ang iba naming kasamahan. Buti pa ang point and shoot nila, pang - "come hell or high water, more picture much better!!!"

Me nang-asar pa, ano ngayon mga shooters? Barilan tayo!!! Haaysss! Sarap pukpukin ng traypod ng gago! Ngingiti pa na nakakaloko. :D

Buti na lang nung malapit na kami sa isa sa pinakamagagandang lugar sa Pilipinas, tumila at sumilay ang haring araw. Nagka-sunburn pa nga ako sa paliligo sa sa napakalamig at ma-asul na lawa. Pati ang langit nakisama, hinawi ang alapaap.

Kaya gaya nang inaasahan sa ganitong panahon. Patay ang naglason. Jumampshat ang mga mahihilig. Isinimpat ko ang aking mashinggan. Patay sila lahat. Pati ang point and shooters. Willing victims... Death by friendly fire.

Sarap! Wala lang sanang presyuran sa pag-upload at pag-tag ha. ;p

[o]

3 comments:

bulakbolero.sg said...

nagpunta ko sa flickr mo ser. nice set!

Gone to the John said...

haha salamat po ginoo! bagamat pangbaguhang set pa rin yung akin... :) at di na rin nadagdagan sa katamarang mag-upload :D

bloggingpuyat said...

no nga ba un flickr account mo ng matingnan naman :)

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...