[o]
Napaisip ako sa dahil Spratlys. Medyo napukaw ang makabayang gilid ng aking puso kung baga. Kapag sumugod ang mga Tsino sa Pilipinas at sinakop tayo, sisiguruhin kong safe ang aking pamilya, pagkatapos hahanapin ko ang Chinese embassy at...
...pipiktyuran ko.
Hehe sensya na. Akala mo naman me magagawa ako. Eh humawak nga ng baril di ko magawa. Wala sa kabunasan ko ang karahasan. Maliban na lamang at ako ay sinukol saka lamang lalabas ang mala-asong ulol sa akin, mang-uunday ako ng kagat. Sisiguruhin kong baon ang gilagid ng pustiso kong three years old sa sinumang abutang Intsik na mang-aalipin sa atin.
Lamang eh hanggang ganun na lamang yun.
Kahit saan daanin ay napag-iwanan na tayo ng mga Tsino sa larangan ng pakikipag-away. Hindi lang sila may Jackie Chan, meron na rin silang Aircraft Carrier, Stealth Fighter, ICBMs, nuclear warheads, Army of hackers at milyon milyong sundalo.
Patay ang naglason pag nakipag one-on-one tayo sa kanila. Dun na lang sa bilang ng mga sundalo natin paktay na. As if mapapataob ng ating Rajah Humabon ang Chinese carrier. Sinabayan pa na merong mga Pilipinong ang turing yata sa tsina ay ang kanilang motherland. Kung makasipsip todo. Hindi lahat pero kasama na dito yung mga may dugong Intsik, mga gustong maging Intsik, mga militanteng may Amerika-lang-ang-demonyo atittude, at pati na rin ang mga komunistang rebeldeng pulpul na hanggang ngayon ay tago pa rin ng tago sa bundok na 'kala mo ay nasa dekada utsenta pa sila. Di nila matanggap na matagal nang pinatay ni Bernabe Buscayno si Kumander Dante.
Kahit ang Amerika, di natin maasahang tayo ay talagang tutulungan. Sa dami ba naman ng kanilang kalaban, bakit sila sasali sa isang digmaan na papatay sa kanilang pansariling interes at kapakanan?
Pinauso ni Joey Salceda ang Boycott China na konsepto. Napakahirap gawin, dahil sa ngayon nga lang tiningnan ko ang keyboard na aking pinagtitipaan, ang mouse na panggalaw ng cursor, ang monitor, ang suot na sapatos, ang door knob, ang armchair... Lahat gawang Tsina. Paano ko iboboykot ang tsina kung lahat ng gamit na kailangan natin gawa na sa kanila?
Nagpunta ako sa murang tindahan ng kung anu-ano na malapit sa bahay para sa mga suplay sa bahay. Ang hirap maghanap ng Made in the Philippines ang nakalagay. Hindi naman nakapagtataka kase yun nga mismong may ari ng grocery e ni hindi marunong magtagalog kase tsekwa din.
Isa lang ang nabili kong may malinaw na gawang Pilipinas na nakasulat, garbage bag pa. Yung walis tingting naman siguro gawa na dito sa atin no?
Nakapagtataka kung bakit hindi magawa ng mga Pilipino na mag-manufacture nung mga bagay na minamanufacture din ng Tsina. Hindi naman kailangang pirata rin ang gawin natin di ba? Kung sa bagay, pati nga bigas inaangkat na natin eh samantalang nandito sa atin ang International Rice Research Institute. Tayo na nga ma-kanin! (Dati)
Masakit isipin, pero ganito na ba kawalang-kwenta ang pagkamalikhain ng mga Pilipino ngayon? Ganito ba kahina ang ating kakayahan na kailangan pa nating angkatin pati ang ating mga pampunas ng tumbong sa kubeta? Hindi kagandahan ang kalagayan ng edukasyon sa bansa ngayon pero hindi natin masasabing mahihina ang ating mga gradweyt. At lalong hindi naman siguro mas maganda ang mga kolehiyo sa Tsina para tayo mapag-iwanan. Hindi ba natin kayang gamitin ang kakayahan ng libo-libong matatalinong nagtatapos taun-taon? Ganun ba kabobo ang Pilipino? Maraming matalino pero bobo. Nu kaya yun? Never mind.
Ang hirap sa ating gobyerno eh parang pababayaan na lamang ang kanyang mga mamamayan na parating sa labas ng bansa na lang aasa ng trabaho at kabuhayan. Lahat tuloy ng magagaling nauubos at pumapalaot.
Bakit hindi simulan ng gobyerno na mag-ukol ng pananalapi para sa pansariling pagmamanufacture ng ating mga gamit? Maging self sufficient tayo. The hell with APEC and our other economic partners kuno. Sa mga partnership na yan, tayo lang naman parate ang talo.
Simulan kaya ng gobyerno kahit pabrika man lang ng casing ng computer. Tutal naman ipinagmamalaki nila na may program silang PPP. Eh kahit yun wala eh. Tapos go from there. Mouse. Keyboards. Ethernet cables. Yung mga tipong pwedeng isabay sa mga tindang gawang Tsina ni CD-R King. Isa-isa lang.
Pag ganun, tingin ko luluhod rin si Mao. At hindi na natin kailangan umasa kay Sam. Magsama sila.
Basta tayong mga Pinoy, maging matapat lang. At wag gawin ulit ang ginawa natin sa Intel na naging dahilan para lumipat na lang sila sa Tsina.
Mga kababayan, kung may opsyon rin lang, hanggat maaari Pilipino muna.
Ako nagsimula sa garbage bag. yari ka ngayon Chinese Bag Manufacturer. Malulugi ka sa akin. :D
[o]
4 comments:
lahat na lang made in China papaano ito gagawin.
kulang na lang ang hangin may tatak na made in China.
Tama Diamond! napakahirap... sana makakuha ako ng boteng may genie, wish ko lahat ng man made products sa Pilipinas minamanufacture eheheh :D
paulit-ulit yun na tinuturo noong elementary---tangkilikin ang gawang pinoy...
sana maalala natin ang turong yun wahehe... pairalin ang pagiging makabayan... simulan sa pagbili ng tatak RP na garbage bag ^^
tama.. kaso tong globalisasyon na to kase eh hehehhe , salamat Whang!
Post a Comment