read the printed word!

Tuesday, May 24, 2011

Ano ba ang Ispayweyr?

[o]

Hindi ako magaling magsulat sa Tagalog bagama't inaamin kong hindi rin naman ayus ang mga artikulo kong nasulat sa Ingles. Kaya lang ang hirap talagang isulat lahat kapag sinusubukan kong sa sariling wika ko na lang gagawin ang aking blog. Ito nga at pangalawang subok ko na ito sa loob ng isang oras. Dumadating kasi sa punto na parang sobrang korni na kapag nasa kalagitnaan na at kapag nagkaganoon ay mas madalas na kino-close ko na lang ang ginagawa ko at itutulog ko na lang.

Subok uli....

May nagtanong sa akin ngayun-ngayon lang kung ano raw ba talaga ang "spyware". Sa kagustuhan kong makatulong at kasabay nito ay mapraktis ang aking pagsusulat ng tagalog ay nagpilit ako na bigyan ng kahulugan ang ibig sabihin nito.

Mula sa salitang "Spyware" itself (heheh sorry cant help it :D ), ang "spy" ay nangangahulugang tiktik o maniktik. Ang "ware" naman ay nangangahulugang paninda o pang-akit.

Kaya naman kung susumahin, ang "spyware" ay bagay na nagmumula sa isang entitidad sa internet na ang dahilan kung bakit ginawa ay upang maniktik sa anumang kompyuter na kung saan ito ay naiinstol. Kadalasan ito ay naglalayon na makapagtinda o makaakit ng kostumer para sa isang bagay kung kaya at madalas na kapag may impeksyon ng spyware ang kompyuter may lumalabas na sulpot-pataas-na-patalastas (pop-up ad, ungas!) . Mas malala pa rito ay walang kaalam-alam ang gumagamit ng kompyuter na ang kanilang makina ay nainstolan na ng nasabing spyware.

Bakit kaya hindi alam ng mga gumagamit ng kompyuter na may ispiyang-paninda na sa kanilang makina?

Una, dahil sa kawalan ng kaalaman. Karamihan ng mga gumagamit ng kompyuter at nag-iinternet ay basta na lamang klik nang klik ng kahit anong makita nilang interesante. Kaya nga sinabing "pang-akit" ang ispayweyr ay para ito ay madaling mapansin. Karamihan ng mga nabibiktima nito ay mga kabataan o iyong mga baguhan sa larangan ng kompyuter. Magbigay tayo ng halimbawa.

Habang nagbabrowse si Tanga (di mo ito tunay na pangalan) sa websayt na peysbukdatkom ay may lumabas na poste na ang sabi ay "Tulungan mo kami na maging ligtas ang peysbukdatkom sa pamamagitan ng pagpindot sa SECURE na butones sa ibaba". Kaya naman si Tanga (inuulit ko, hindi mo ito tunay na pangalan) kara-karakang itinuro ang cursor sa SECURE na butones sabay pindot (at gigil na gigil pa!).

Pwedeng mangyari sa mga ganitong pagkakataon ay sa halip na naging ligtas ay nainstol na pala sa kompyuter ang isang ispayweyr na nangongolekta ng impormasyon ng gumagamit ng makina. Pwedeng magkaroon ng palagiang paglabas ng sulpot-pataas-na-patalastas na nagbebenta ng kung anu-anong bagay. Pwede rin naman na makuha ang mahahalagang password nang dahil dito. Karaniwang nakakainis (annoying) ang mga ispayweyr dahil pinapabagal nila ang kompyuter dahil sa mga prosesong pinapatakbo nito nang hindi natin alam.

Pangalawang rason ay dahil walang sapat na seguridad na nakalagay sa kompyuter para maiwasan ang pagkakaroon ng ganitong klaseng impeksyon.

Kung may security software na nakalagay sa makina, maaaring bago pa man maapektuhan ng impeksyon ng ispayweyr ay makikita na kaagad ito at mapupuksa. Pwede rin na kahit magkaroon ng impeksyon ay madiditek ng isang magaling na anti-spyware ang nasabing impeksyon at kaagad na matatanggal. Kaya nga mahigpit na inirerekomenda ng inyong lingkod na kayo ay magkaroon ng magaling na pangontra.

Isa sa maayos na anti-spyware o anti-malware kung tawagin ng iba ay ang Malwarebytes. Libre lamang ang nasabing malambot-na-pang-akit (software tongeks!) kaya hindi ninyo kailangang magbayad. Mahalaga na mayroon kayo ng ganitong klaseng seguridad sa inyong makina kung hindi ninyo afford ang mga mas mahal (pero mas matinding security software) na meron na ring anti-virus na kakayahan.

:P

[o]

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...